Mga ahensya nggobyerno na walang freedom of information manual hindi makatatanggap ng performance bonus ayon sa DBM
Isa na sa ginawang batayan sa pagbibigay ng performance bonus sa bawat ahensya ng pamahalaan ang pagkakaroon ng freedom of information manual.
Sinabi ni Budget Undersecretary Myrna Chua sa isinagawang orientation kaugnay ng guidelines sa pagbibigay ng performance based bonus ay kailangang mailathala online ang FOI manual ng lahat ng ahensya ng gobyerno.
Ang desisyon ay mula sa inisyatiba ng inter-agency task force on the harmonization of National government performance monitoring information and reporting system.
Ayon kay Chua, isang indikasyon ng mabisang pamamahala ang pagkakaroon ng FOI manual sa mga ahensya ng pamahalaan.
Sa ngayon may 174 na FOI manuals na ang naisumite ng ibat-ibang ahensya sa Presidential Communications Operations Office na implementing agency ng FOI program ng Duterte administration.
Magugunitang noong Hulyo ng 2016 nang lagdaan ni Pangulong Duterte ang executive order number 2 para sa pagpapatupad ng Freedom of Information sa executive department.
Ulat ni : Vic Somintac