NBI tuloy pa rin ang imbestigasyon sa Socorro group
Simula pa lang umano ang patung-patong na kaso na isinampa ng DOJ sa korte sa Surigao del Norte laban sa mga opisyal ng Socorro Bayanihan Group Incorporated.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng NBI sa iba pang posibleng mga paglabag ng grupo dahil sa marami pang anggulo ang dapat na tingnan.
Inaasahan ni Remulla ang panibagong report mula sa NBI makaraan na atasan ang kawanihan na muling busisiin ang mga pangyayari sa Sitio Kapihan.
Kabilang sa mga kaso na inihain kina Jay Rence Quilario alyas Senior Agila at 12 iba pang indibiduwal ay qualified human trafficking, child abuse, solemnization of child marriage, at facilitation of child marriage.
Nilinaw ng kalihim na inisyal na inihain ang kaso sa korte sa Surigao del Norte pero ito ay ipapalipat nila sa Metro Manila o ibang lugar kung saan walang sinuman na maaaring pakialamanan ang kaso.
Moira Encina