NUPL humihingi ng proteksyon sa Korte Suprema mula sa anila’y pagbabanta at pangha-harass sa mga miyembro nito ng militar

Nagpasaklolo na sa Korte Suprema ang National Union of People’s Lawyer o NUPL dahil sa sinasabing pagbabanta sa buhay at seguridad at pangha-harass sa mga miyembrong abogado nito ng militar.

Ito ay sa harap ng alegasyon ni AFP Deputy Chief of Staff Major General Antonio Parlade Jr. na ang NUPL ay konektado sa CPP-NPA at nakakatanggap ng mga pondo at grants mula sa mga international organization at states.

Sa kanilang petisyon, hiniling ng NUPL na protektahan sila ng Supreme Court sa pamamagitan ng pagpapalabas ng Writ of Amparo para itigil na ang pagbabanta sa kanila ng militar at Writ of Habeas Data para ipasira ang lahat ng iligal na nakolektang impormasyon sa kanila ng mga respondents.

Ilan sa mga respondents sa petisyon sina Pangulong Duterte, National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr.,  Defense Secretary Delfin Lorenzana, AFP Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal at Maj. Gen. Antonio Parlade, Jr.

Nais din ng NUPL na magisyu ng Temporary Protection Order ang Korte Suprema para maprotektahan ang mga miyembro at opisyal nito laban sa mga respondents.

Sinabi ni Atty Rachel Pastores ng Public Interest Law Center, abogado ng NUPL, kakaiba ang petisyon na inihain nila dahil kung dati nagsasampa sila ng petisyon para sa proteksyon ng kanilang mga kliyente, ngayon ay ito naman ay para sa proteksyon nilang mga abogado.

Iginiit ni NUPL President Atty Edre Olalia, ang red-tagging na ginagawa sa kanila ng militar  o paguugnay sa kanila sa CPP NPA ay nagdulot ng harassment at pagpatay sa mga miyembro nila sa mga nakaraan.

Partikular na rito ang pagpaslang kay Atty Rodolfo Felicio, NUPL Rizal Chapter member noong 2014 at Atty Benjamin Ramos, NUPL Negros Secretary General at  abogado ng mga Sagay farmers na pinatay naman noong 2018.

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *