P50M-P60M na kita inaasahan ng Tourism Promotions Board mula sa Philippine Travel Exchange (PHITEX) 2022
Tinatayang P50 million hanggang P60 million na negotiated sales ang inaasahan sa hybrid
Philippine Travel Exchange (PHITEX) 2022.
Ang PHITEX ay business-to-business travel trade event na inorganisa ng Tourism Promotions Board (TPB).
Ayon kay TPB Deputy Chief Operating Officer Charles Aames Bautista, sinusukat nila ang tagumpay ng PHITEX sa bilang ng mga business lead o mga kita na ibinunga ng business-to-business sessions ng mga buyer at seller.
Kumpiyansa naman si Bautista na kung hindi nila maaabot ang P69 million na revenue generated sa PHITEX noong 2021 ay positibo pa rin sila sa recovery ng turismo sa bansa.
Umaabot sa 119 buyers mula sa 32 bansa habang 132 Philippine sellers ang lumahok sa travel exchange ngayong taon.
Sinabi TPB COO Maria Margarita Nograles ang top three na buyers on-site sa PHITEX ay mula sa mga bansang Malaysia, Estados Unidos at South Korea.
Habang sa online ang China ang top buyer sa travel trade event.
Inihayag ni Nograles na ang PHITEX ay oportunidad para madiskubre ang kultura ng Pilipinas, maipakilala ang mga produkto at serbisyo na Pinoy, makabuo ng partnerships at mapabuti ang tourism experience sa bansa.
Binigyang-diin din ng opisyal na bukod sa pera o kita dala ng pagbubukas ng bansa sa turismo ay dapat hangarin ng lahat ang sustainable at inclusive tourism.
Moira Encina