Paghahanap sa pitong nawawalang crew ng tumaob na Chinese vessel sa Occidental Mindoro, pinaigting pa ng PCG

Courtesy: PCG Southern Tagalog
Pinaigting pa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang operasyon upang mahanap ang pito pang nawawalang crew ng tumaob na Chinese vessel na MV Hong Hai 16 sa karagatan ng Occidental Mindoro.
Sa kabila ng mga hamon, ay namalagi ang PCG sa kanilang pangako na hindi iiwang hindi tapos ang kanilang nagpapatuloy na search and rescue efforts.
Sa pakikipag-ugnayan sa Local Government Unit (LGU) ng Rizal, sa ilalim ng liderato ni Mayor Ernesto Pablo, mahigpit na nakikipagtulungan ang PCG sa lokal na pulisya, sa Armed Forces of the Philippines, sa Philippine National Police-Maritime Group, at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), upang ma-maximize ang lahat ng operasyon sa ground.
Sinabi naman ni Coast Guard District Southern Tagalog Commander Commodore Geronimo Tuvilla, na opisyal nang nagpalabas ang PCG ng isang demand letter sa may-ari ng barkong sangkot sa insidente, at hinimok ang lubusan nitong kooperasyon at presensiya sa nagpapatuloy na response operations.
Bilang bahagi ng social resposibility ng kompanya, binigynag-diin ng PCG ang kahalagahan ng commitment ng may-ari ng barko at kaniyang accountability, sa pamamagitan ng pagpapadala ng isang kinatawan upang direktang tumulong sa coordination at suportahan ang nagpapatuloy na operasyon.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat si Tuvilla sa LGU ng Rizal at sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Occidental Mindoro, para sa walang sawa nilang pagsuporta at presensya s aground sa buong panahon ng search operations.
Patuloy din ang imbestigasyon ng PCG, sa mahigpit na pakikipag-ugnayan sa LGU, sa mga sirkumstansyang may kinalaman sa insidente, at inaalam ang lahat ng mga anggulo sa kung ano ang malamang na sanhi nito at mga responsable.