Pangulong Duterte handang magpatawag ng special session ng Kongreso para amyendahan ang oil deregulation law at pagbabawas ng taripa sa imported oil products
Bukas si Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng National Economic Development Authority o NEDA magpatawag ng special session ng kongreso kapag patuloy na lumala ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine na makakaapekto sa ekonomiya ng bansa.
Batay sa rekomendasyon sa Pangulo ni NEDA Director General Secretary Karl Chua upang mahinto ang linggo-linggong pagtataas ng mga kompanya ng langis sa presyo ng mga produktong petrolyo panahon na para amyendahan ang oil deregulation law at bawasan din ang ipinapataw ng gobyerno na taripa sa mga imported oil products.
Dahil dito inatasan ng Pangulo si Executive Secretary Salvador Bingbong Medialdea na maghanda ng kahilingan sa Kongreso para sa pagpapatawag ng special session bago ang adjournment sine die sa Mayo.
Sinabi ng Pangulo na maging siya ay nagdududa kung kakayanin pa na isulong ang pag-amyenda sa oil deregulation law maging ang pagbabawas sa taripa ng mga inaangkat na produktong petrolyo dahil abala na sa pangangampanya ang mga mambabatas ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Vic Somintac