President Yoon ng South Korea hindi naaresto ng mga awtoridad dahil sa security stand-off
Nabigo ang mga awtoridad na arestuhin ang na-impeach na si South Korean President Yoon Suk Yeol kaugnay ng kaniyang martial law decree, dahil sa stand-off sa h presidential security forces sa loob ng compound nito.
Gayunpaman, naiwasan ng mga awtoridad ang isang pulutong ng mga nagpoprotestang supporters ni Yoon, na nagtipon malapit sa presidential residence.
Dumating ang mga opisyal mula sa Corruption Investigation Office for High-ranking Officials (CIO), sa gate ng presidential compound ilang sandali makalipas ang ala-7:00 ng umaga at pumasok sa loob.
Pinangungunahan ng CIO ang isang joint team ng mga imbestigador, na siyang nag-iimbestiga sa maikling deklarasyon ni Yoon ng martial law noong December 3.
Pagdating sa loob, ay nakaharap ng CIO at mga kasamang pulis ang mga nakakordon na Presidential Security Service (PSS) personnel, maging ng military troops.
Sinabi ng Ministry of National Defense, na ang military troops ay nasa ilalim ng kontrol ng PSS.
Bandang ala-1:30 ng hapon ay hindi na itinuloy ng CIO ang tangkang pag-aresto kay Yoon, dahil sa pangamba sa kaligtasan ng mga tauha nito, at sinabing malabis nilang ikinadismya ang hindi pagsunod ni Yoon.
Sa isang pahayag ay sinabi ng CIO, “It was judged that it was virtually impossible to execute the arrest warrant due to the ongoing standoff.”
Una nang sinabi ng mga abogado ni Yoon, na ang pagsisilbi ng isang “invalid” arrest warrant laban kay Yoon ay labag sa batas, at gagawa aniya sila ng legal na aksiyon ngunit hindi na ito idinetalye.
Ang mandamiento de aresto na inaprubahan ng korte noong Martes, matapos na balewalain ni Yoon ang ilang ulit na pagpapatawag sa kaniya na para kuwestiyunin, ay may bisa hanggang sa Enero 6, at nagbibigay sa mga imbestigador ng hanggang 48 na oras na pigilin si Yoon pagkatapos nitong maaresto.
Pagkatapos ay kailangang magdesisyon ng mga ito kung hihiling ba ng isang detention warrant o pawawalan si Yoon.
Sinabi ng CIO na rerepasuhin nila ang sitwasyon at magpapasya sa mga posibleng susunod na hakbang.