Smuggled na mga gulay na ibinibenta sa palengke, nadiskubre ng DA

Nadiskubre ng Department of Agriculture (DA), ang ilang smuggled na gulay na ibinibenta sa mga palengke sa Metro Manila, kabilang na ang tiger sili (malaking sili na pansigang), malalaking bell pepper, achoy o Chinese lettuce, lotus at wawachai o maliliit na mga repolyo, at garlic stick.

Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., wala silang ibinigay na import permit para makapasok sa bansa ang ganitong mga produkto.
Pinaiimbestigahan na ito ng kalihim at pinahahanap na ang mga supplier ng nasabing imported na gulay na sinasabing inangkat mula sa Taiwan at China.




Ayon kay Laurel, “Unang-una mali yung label ng packaging tapos nasa Chinese language pa, so clearly galing China, and I don’t remember that the BPI (Bureau of Plant Industry) has issued SPSI to those type of onion sticks. Meron pang broccoli na napakalaki, sili na hindi ko nakita sa buong buhay ko. Those are smuggled goods!”
Samantala, bumaba naman ang presyo ng ilang highland vegetables na galing ng Benguet sa kabila ng nararanasang andap o malamig na klima doon.

Kabilang na dito ang lettuce na aabot na lang ngayon sa 60 hanggang 80 kada kilo mula sa 300 pesos nitong Disyembre.
Ang broccoli 120 hanggang 150 na lang ang kada kilo mula sa dating 250 hanggang 280 kada kilo, habang ang cauliflower ay 100 na lang ang kilo mula sa dating 200 pesos.

Parehong 60 pesos naman ang kada kilo ng baguio beans at pecjay an pumalo sa 100 ang kilo noong Disyembre.
Pati ang presyo ng kamatis na dating 250 hanggang 280 ang kilo, ngayon ay mabibili na sa 100 hanggang 130 ang kada kilo.
Meanne Corvera