9 na bagong pangalang kasama sa hazing rites ng Aegis Juris frat kay Atio Castillo, tinukoy ni Marc Ventura sa kaniyang salaysay

0
u

Isiniwalat ng Aegis Juris fratman na si Marc Anthony Ventura kung sinu-sino ang mga kasama sa initiation rites ni Horacio Castillo III noong madaling araw ng September 17.

Sa anim na pahinang affidavit ni ventura na isinumite sa DOJ, tinukoy nito ang dalawamput-tatlong iba pang indibidwal maliban sa kanya na naroon sa hazing rites ng Aegis Juris kung saan namatay si Atio.

Siyam sa mga ito ay bagong pangalan na hindi kabilang sa mga kinasuhan ng magulang ni Atio at ng Manila Police District sa DOJ.

Kabilang sina Edric Pilapil, Zach Abulencia, Daniel Ragos, Dave Felix, Sam Cagalingan, Alex Cairo, Luis Kapulong, Kim Cyrill Roque, at Ged Villanueva.

Mayroong pa anyang isang babae na kasama si Alex Bose na hindi myembro ng Aegis Juris.

Kinumpirma rin ni Ventura ang pagkakasangkot ng labing-apat na iba pang myembro ng frat na una nang sinampahan ng reklamo sa DOJ.

Kabilang na rito sina Arvin Balag na pinangalanan ni Ventura na kanilang GP o Grand Praefectus, Ralph Trangia at master initiator na si Axel Munro Hipe.

Idinetalye rin ni Ventura ang proseso ng initiation na sinimulan sa pagsuntok sa braso ni Atio, sumunod ang paghataw sa braso nito gamit ang wooden spatula at huli naman ang paghampas kay Atio ng paddle.

Si Ventura ay isinailalim na sa witness protection program ng DOJ.

Tiwala naman si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na matibay ang testimonya ni Ventura at hindi na kailangan pa ng supporting o corroborative testimony para ito ay tumayo sa korte.

ikinatuwa rin ng manila police district ang pagbubunyag ni ventura ng mga sangkot sa hazing rites dahil ito ay malaking tulong sa isinusulong nilang kaso laban sa mga dawit sa pagkamatay ng ust law student.


ulat ni Moira Encina

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *