Bagong Philippine building law, isinusulong sa Kamara
Matapos tumama ang malakas na lindol sa Abra at mga karatig lalawigan sa Northern luzon noong July 27, isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagpapatibay ng bagong Building Act sa bansa.
Inihain ni Bulacan Congressman Salvador Pleyto ang House Bill 1180 o New Philippine Building Act na ipapalit sa Presidential Decree 1896 na inilabas noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Congressman Pleyto magtatakda ng mga regulasyon sa pagpaplano, disenyo, konstruksyon, paninirahan, maintenance, at paggiba ng mga lumang gusali, kabilang ang pagsusulong ng katatagan ng mga gusali laban sa mga lindol, sunog, baha, pagguho ng lupa, bagyo, pagputok ng bulkan at iba pang natural na kalamidad.
Ayon kay Pleyto, bagamat walang kapangyarihan ang tao na baguhin o ipahinto ang isang natural phenomenon tulad ng lindol, ay maaari naman paghandaan kung paano maiwasan ang matinding pinsala at pagkasawi ng buhay.
Sinabi ni Pleyto, panahon na para palitan ang building law upang mabawasan ang pinsala ng mga natural na kalamidad sa bansa lalo na sa mga infrastructure.
Magugunitang matagal ng naglabas ng babala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHILVOCS na ang West Valley Fault line na mula sa Bulacan na dadaan sa Lungsod ng Quezon, silangang bahagi ng Kalakhang Maynila hanggang sa Laguna at Cavite ay maaaring yumanig anomang sandali dahil gumagalaw ito kada ikaapat na daang taon na tinaguriang The Big One.
Batay sa record ng PHILVOCS ang West Valley fault line ay huling gumalaw noong 1658 o tatlong daan at limamput siyam na taon na ang nakalipas.
Vic Somintac