Nartatez sa mga bagong lider ng PNPA: Mahigpit na ipatupad ang anti-hazing rules

0

Photo courtesy of PNP-PIO

Inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., ang mga bagong opisyal ng PNP Academy (PNPA), na mahigpit na ipatupad ang anti-hazing rules at tiyakin ang mahigpit na superbisyon sa lahat ng cadet training.

Ang direktiba ay kasunod ng ginawang pagsibak ni Nartatez rsa PNPA director at walong iba pang mga opisyal, na aniya’y kagyat na hakbang ng pagtutuwid kasunod ng mga ulat ng paglabag sa hazing.

Ayon kay Nartatez, “The new PNPA leadership must enforce anti-hazing rules without exception. There will be no tolerance for practices that endanger cadets. We expect strict supervision, immediate reporting of violations, and full accountability at all levels of command.”

Nitong Abril 15, Miyerkoles, ay itinalaga ni Nartatez si Brig. Gen. Redrico Maranan, regional director ng Police Regional Office-Central Visayas (PRO-7), bilang acting PNPA director, kapalit ni Brig. Gen. Andrei Dizon, na inilipat sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU).

Bukod kay Dizon, walong iba pang PNPA officials, isa ay brigadier general, dalawang colonels, dalawang majors, at tatlong sergeants, ang sinibak at inilipat sa PHAU.

Ang reshuffle ng liderato ay kasunod ng insidente noong Abril 3, kung saan tatlong second-year cadets ang umano’y naglagay ng pinaghalong muriatic acid at liquid sosa (highly corrosive drain cleaner) sa likod ng mahigit sa 20 kapwa nila mga kadete.

Sinabi ni Nartatez, na ang training environment ng akademya ay sasailalim sa isang “comprehensive review,” kabilang ang supervision protocols at internal reporting systems, alinsunod na rin sa atas ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., at ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.

Binigyang-diin niya na ang mga reporma ay higit pa sa mga hakbang na pamparusa, na nakatuon sa pagpigil sa mga pang-aabuso sa pamamagitan ng mga pagbabago sa istruktura at mas mahigpit na pagpapatupad ng command responsibility.

Ayon kay Nrtatez, “This (hazing incident) is a wake-up call na kailangan nating baguhin ang (that we need to change the) mindset from blind tradition to professional discipline. As we implement reforms with the new academy leadership, we expect results fast, hindi ito puwedeng puro pangako (This can’t just be a promise).”

Nangako rin ang opisyal na magsasagawa ng regular na audits at mahigpit na monitoring. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *