Pilipinas humaharap ngayon sa isang coordinated cyber offensive mula China – thinktank stratbase

0

umaharap ngayon ang Pilipinas sa isang malawak at pinagsamang cyber offensive mula sa China, ayon sa think tank na Stratbase Institute.

Sa isang cybersecurity conference, nagbabala si Stratbase president Victor Andres Manhit na hindi na lang sa West Philippine Sea nangyayari ang agresyon, kundi pati na rin sa cyberspace.

Ayon kay Manhit, ang bansa ay nasa gitna na ng isang “hindi nakikitang digmaan” na nagaganap sa pamamagitan ng disinformation, psychological operations, at digital manipulation.

Tinukoy niya ang umano’y “three warfares” doctrine ng Beijing na kinabibilangan ng psychological, legal, at public opinion warfare, na aniya’y nakikita na sa mga operasyong target ang soberanya ng Pilipinas.

Dagdag pa ni Manhit, may nakikita na umanong sabayang pagpapalaganap ng pro-China ng mga mensahe online na layong lituhin ang publiko at sirain ang tiwala sa mga institusyon nito.

Babala rin ng Stratbase, posibleng nagsisimula na ang panghihimasok sa halalan sa 2028 sa pamamagitan ng paghubog ng online content at opinyon ng publiko.

Batay sa survey ng Pulse Asia na iniutos ng Stratbase, pito sa bawat sampung Pilipino ang labis na nababahala sa pagkalat ng misinformation.

Ayon kay Manhit, ang pekeng balita ay hindi lang nananatili online, kundi umaabot sa usapan sa komunidad, debate sa polisiya, at desisyon ng pamahalaan.

Samantala, sinang-ayunan ito ni DICT Secretary Henry Rhoel Aguda na nagsabing ang pinakamalaking kahinaan ay hindi ang sistema, kundi ang tiwala ng publiko.

Hinimok ni Aguda ang mas mabilis na pagtugon sa mga cyber incident, mas mahigpit na koordinasyon ng mga ahensya, at mas malawak na cyber awareness sa buong lipunan.

Panawagan ng Stratbase, kailangan ang malinaw na estratehiya at matibay na pagkakaisa ng mga institusyon upang labanan ang umano’y dayuhang panghihimasok.

Earlo Bringas

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *