Pagpapalit ng liderato ng DENR kinumpirma ng palasyo

Courtesy: DENR FB page
Kinumpirma ng Malakanyang ang pagpapalit ng liderato ng Department of Environment and Natural Resources o DENR.
Ito ay matapos italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., si DENR Secretary Raphael Lotilla bilang Philippine Ambassador to the Holy See.
Nilinaw naman ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Catro, na hindi pinagresign si Lotilla.
Aniya, “According to what we have heard ang sinabi po ay mas nais ngayon po ni Secretary Lotilla ng lighter assignment. So, iyon lang po ang naibigay sa ating information.”

Usec. Claire Castro / Courtesy: RTVM
Bago ito, umuugong na ang posibilidad na mapalitan sa puwesto si Lotilla matapos ilang beses na hindi makumpirma ng Commission on Appointments (C-A).
Hindi naman kinumpirma ni Castro kung may kinalaman ang appointment sa ibang puwesto kay Lotilla sa ilang beses na pag-bypass dito ng C-A.
Ayon kay Castro, “I was not informed about that, iyon lang po. He chose to have a lighter assignment.”
Sa mga nakaraang panayam, una nang sinabi ni Castro na nire-review ng pangulo ang records ng kalihim, kahit wala pang isang taon sa puwesto builang kalihim ng DENR si Lotilla.
Samantala, papalit sa kaniya bilang acting Secretary ng DENR si Usec. Juan Miguel Cuna.
Si Cuna ay matagal na ring nagsilbi sa DENR, at nagsimula ito bilang Provincial Environment and Natural Resources officer.
Tiniyak naman ng Malakanyang na walang magiging problema sa operasyon ng DENR.
Madelyn Villar-Moratillo