Planong pag-angkat ng bigas, ipinagpaliban na ng gobyerno – NFA
Hindi na itutuloy ng gobyerno ang planong pag-aangkat ng 250,000 metriko toneladang bigas para magsilbing buffer stock ng bansa.
Ito ang naging desisyon ng National Food Authority Council sa kabila ng pagpupursige ng NFA na mag-import sa pamamagitan government to government scheme.
Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Diwa Guinigundo, miyembro ng NFA council, mas mabuting ipaubaya na lamang sa private sector ang importasyon sa halip na sa gobyerno.
Paliwanag ni Guinigundo, sa government to government scheme ay gagastos pa ang pamahalaan na posibleng magdulot pa ng pagkalugi sa NFA.
Sinabi pa ni Guinigundo na malayong magkaroon ng pagtaas sa presyo ng bigas dahil sapat pa ang buffer stock hanggang Hunyo dahil sa mga aanihang bigas ngayong tag-init.