Pondo sa pabuya para sa bawat myembro ng Abu Sayyaf na mahuhuli o mapapatay ilaan na lang sa Intel gathering
Ipinarerekonsidera ni Anak Mindanao Rep. Makmod Mending Jr. kay Pangulong Duterte ang inanunsiyo nitong isang milyong pabuya para sa bawat miyembro ng Abu Sayyaf na mahuhuli o mapapatay sa gitna ng opensiba laban sa teroristang grupo.
Para kay Mending hindi epektibo ang ganitong reward system laban sa Abu Sayyaf.
Ayon kay Mending, maaaring may kumagat sa isang milyong piso kapalit ng bawat terorista, buhay man o patay, pero sadyang mahirap nang hantingin ang mga ito.
Bukod sa wala umanong permanenteng kuta ang Abu Sayyaf ay mabilis ang kanilang mobilisasyon, kayang mamundok o kaya ay tumakas gamit ang kanilang mabibilis na speed boats.
Payo ni Mending, gamitin na lamang ang salaping ilalaan sa reward para palakasin pa ang intelligence gathering para matiyak na mas sigurado ang mga impormasyong pinagbabasehan ng opensiba laban sa teroristang grupo.
Sinabi pa ni Mending na mas mabuting mahuli ng buhay ang mga miyembro ng Abu Sayyaf para magbayad ang mga ito sa batas at maituro din ang kanilang mga kasamahan at maaari pang maidetalye ang operasyon ng kanilang organisasyon.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo