Tax Reform Package Bill, aprubado na sa pinal na pagbasa ng Kamara

0
tax

Aprubado na sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Kamara ang House Bill 5636 o tax reform for acceleration and inclusion na isinusulong ng Duterte administration.

246 na Kongresista ang bumoto ng pabor habang 9 ang bumoto ng No at 1 naman ang abstain.

Hindi na idinaan via voice voting ang panukala dahil certified as urgent ito ng Pangulo.

Sa ilalim ng HB 5636, nakapaloob na libre na sa income tax ang sweldong aabot ng 250,000 kada taon at mas simpleng bracket ng pagpapataw ng personal income tax.

Nakapaloob din dito ang anim na pisong dagdag excise tax sa bawat litro produktong petrolyo na hahatiin sa tatlong bagsak ang implementasyon at ang mas mataas na buwis sa mga bibilhing bagong sasakyan.

Aminado ang gobyerno na magdudulot ito ng pagtaas ng presyo sa mga bilihin at singil sa serbisyo kasama ang pamasahe pero iginiit na maliit lamang ito.

Sa ilalim ng panukala, hindi na kasama ang mga kooperatiba sa mga tatanggalan ng VATexemption pero ilang sektor ang aalisan ng ganitong pribilehiyo kasama ang mga bibilhing bahay na may halagang higit sa 1.5 million pesos.

Ang fringe benefits ng mga empleyado ay kasama na sa kwenta ng kanilang kita na papatawan ng buwis.

Itinaas naman sa isang daang libong piso ang halaga ng bonus na libre sa buwis mula sa kasalukuyang 82,000 pesos kada taon.

May sampung piso na din na ipapataw na buwis sa bawat litro ng sugar sweetened products habang 20% ang ipapataw na buwis sa panalo sa lotto.

Kaakibat naman ng tax measure ang ilang reporma gaya ng fuel marking para masawata ang oil smuggling.

Para matulungan ang pinakamahihirap na pamilyang maaapektuhan ng tax reform na ito, itinatakda ng panukala na magkaroon ng social benefits program na tatakbo sa loob ng unang tatlong taon.

Ang mga benepisyaryo ay bibigyan ng social benefits card na magagamit nila para sa pag avail ng diskwento at pribilehiyo sa mga serbisyo ng gobyerno.

Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *