Ekta-ektaryang lupain apektado ng grass fire sa Isabela


Ekta-ektaryang lupain ang tinupok ng apoy, nang sumiklab ang malawakang grass fire sa nasasakupan ng tatlong barangay sa Cauayan City, Isabela.

Nangyari ang sunog bandang alas-7:20 kagabi, at ganap na naapula dakong alas-11:00 ng gabi.

Ayon sa tanggapan ng City Marshall ng Bureau of Fire Protection (BFP), ang naturang grass fire ay itinuturing na pinakamalaki at pinakamalawak na naitala sa kanilang tanggapan ngayong 2021.

Ayon sa mga kinauukulan, hindi pa matukoy ang pinagmulan ng sunog, ngunit hindi inaalis ang posibilidad na sinadyang sunugin ang lugar, o kaya naman ay maaaring dahil sa paglilinis ng ilang magsasaka sa bahaging kanilang tataniman, kung saan sinilaban nila ang natipong mga damo.

Posible rin anila na may nagtapon ng upos ng sigarilyo sa tuyong damuhan, at dahil malakas ang hangin at mainit ang panahon kaya sumiklab ang sunog.

Nabatid na ang temperatura kahapon ay umabot ng hanggang 44 degrees celcius.

Wala namang naiulat na casualty sa nangyaring grass fire, na umabot ng 3rd alarm.

Ulat ni Cesar Agcanas

Please follow and like us: