Mga bumabatikos sa Liberal Party, binatikos ni Rep. Baguilat

Binuweltahan ni Ifugao Cong. Teddy Baguilat ang mga bumabatikos sa Liberal Party kasunod ng consensus na huwag suportahan ang impeachment complaint laban kay Pangulong Duterte at maging ang ikinakasa laban kay Vice Presidente Leni Robredo.
Binigyang diin ni Baguilat na ang nabuong desisyon ng labing lima sa tatlumput apat na LP Congressmen ay base sa kanilang paninindigan taliwas sa patutsada ni House Deputy Minority Leader Eugene Michael de Vera na playing safe dito ang LP at maagang pagpapakita ng pagsuko.
Dumaan aniya ito sa masusing diskusyon at debate ng mga miyembro ng Liberal Party.
Aminado si Baguilat na salungat siya sa posisyon na huwag suportahan ang impeachment complaint laban kay Pangulong Duterte pero rerespetuhin niya ito dahil idinaan ito sa tamang proseso ng kanilang partido.
Pinasaringan ni Baguilat ang minorya dahil nananahimik ito sa isyu ng impeachment na nagpapakita lamang na wala itong paninindigan at pinatunayan ang pagiging coopted minority na sunud-sunuran sa dikta ng administrasyon.
Noong Marso, inihain ni Magdalo Rep. Gary Alejano sa kamara ang impeachment complaint laban sa Pangulo habang nagbabanta naman ang mga tagasuporta ni Duterte na maghain din ng impeachment complaint laban sa Bise Presidente.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo