Mga negosyo sa Palawan, business as usual pa rin sa kabila ng mga ipinalabas na travel advisory ng Amerika, UK at Canada
Business as usual pa rin at mistulang hindi apektado ng inilabas na travel advisory ng Estados Unidos, United Kingdom at Canada ang mga negosyo lalo na ang mga sentro ng turismo sa Palawan.
Ayon kay Romeo Camacho, field administrator for operation ng Puerto Princesa Subterranean River National Park, hindi naman nila halos naramdaman ang epekto ng inilabas na travel advisory.
Bagaman may mga nagkansela aniya ng bookings para bumisita sa underground river ay napakaliit na porsyento lamang aniya nito.
Isang libo at dalawang daan ang maximum carrying capacity ng mga turistang pinapayagan na makabisita sa underground river sa loob ng isang araw.
Ayon kay Camacho, karamihan ng mga bumibisita ngayon sa underground river ay mga asian at kahit na may banta sa seguridad marami paring mga caucasian ang bumibisita sa kanila.
Dagdag pa ni Camacho, kung dati ay mahigpit ang seguridad na pinaiiral sa lugar, ngayon ay mas pinaigting pa nila ang seguridad at dinagdagan pa ang pwersa ng PNP, Marines at Philippine Coastguard.
Pero kahit na mabawasan ang bilang ng dayuhang bumibisita sa Palawan, hindi naman gaanong apektado ang industriya ng turismo nito dahil sa local tourists pa lang ay buhay na buhay na ang turismo sa probinsya.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo