Taliban deputy foreign minister nanawagan para buksan ang high school para sa mga babae

Afghan female students walk near Kabul University in Kabul, Afghanistan, December 21, 2022. REUTERS/Ali Khara/File Photo
Nanawagan ang acting deputy foreign minister ng Taliban sa kanyang senior leadership na magbukas ng mga paaralan para sa mga babaeng Afghan.
Sa kaniyang talumpati ay sinabi ni Sher Mohammad Abbas Stanekzai, na dating nanguna sa isang team ng negotiators sa political office ng Taliban sa Doha bago nag-withdraw ang U.S. forces sa Afghanistan noong 2021, na ang mga paghihigpit sa edukasyon ng mga kabataang babae at nasa hustong gulang, ay hindi naaayon sa Islamic Sharia Law.
Ayon sa local broadcaster na Tolo, na tumutukoy sa tawag ng Taliban para sa kaniyang administrasyon, hinihiling niya sa mga lider ng Islamic Emirate na buksan na ang mga pintuan ng edukasyon.
Aniya, “the doors of knowledge were open to both men and women.”
Dagdag pa niya, “Today, out of a population of forty million, we are committing injustice against twenty million people,” na ang tinutukoy ay ang populasyon ng mga kababaihan sa Afghanistan.
Sinabi ng Taliban na iginagalang nila ang mga karapatan ng kababaihan alinsunod sa kanilang interpretasyon sa batas ng Islam at kultura ng Afghan.
Ngunit nagkaroon ng matinding pagbabago sa mga pangakong bubuksan ang high schools for girls noong 2022, at mula noon ay sinabing gumagawa sila ng plano para sa muling pagbubukas ng mga paaralan, ngunit hindi nagbigay ng anumang timeline.Isinara nila ang mga unibersidad para sa mga babaeng estudyante sa pagtatapos ng 2022.
Ang mga patakaran ay malawakang pinuna sa buong mundo, kabilang ang mga iskolar ng Islam, at sinabi ng Western diplomats na anumang landas patungo sa pormal na pagkilala sa Taliban ay haharangin hanggang sa magkaroon nang pagbabago sa kanilang mga patakaran tungko sa kababaihan.
Hindi naman agad tumugon sa kahilingan na magkomento tungkol sa mga sinabi ni Stanekzai, ang isang Taliban administration spokesman sa southern city ng Kandahar kung saan nakabase si Mullah Haibatullah Akhundzada.
Si Haibatullah ay isang Afghan cleric na siyang supreme leader ng Afghanistan sa Taliban regime.
Pinamunuan niya ang Taliban mula noong 2016, at naluklok sa kapangyarihan nang magtagumpay ito laban sa mga pwersang suportado ng U.S. sa digmaan noong 2001–2021.