Isang hinihinalang Chinese spy at dalawang kasabwat na Pinoy, arestado ng NBI dahil sa pag-i-espiya

Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese national at dalawang Pilipinong kasabwat nito, dahil sa sinasabing espionage o pag-i-espiya sa EDCA sites at mga kampo ng militar sa bansa.

Ang mga naaresto ay nakilalang sina Deng Yuanqing, Ronel Jojo Balundo Besa, at Jayson Amado Fernandez.

Ayon kay NBI Cybercrime Division Chief Atty. Jeremy Lotoc, ang Chinese national ay technical software engineer at graduate ng unibersidad na kontrolado ng People’s Liberation Army ng Tsina at nasa limang taon nang nananatili sa bansa.

Nagsilbi namang mga driver ang dalawang Pinoy na kasama nito.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang sasakyan at ICT equipment na sinasabing ginamit ng mga ito sa pagpunta at pagmamanman sa EDCA sites, kampo ng militar, tanggapan ng LGUs, police stations, pantalan, paliparan, shopping malls, at power plants.

Ayon kay Atty. Lotoc, “Since December nagstart na po ang aming casing at surveillance and then with the assistance of Armed Forces of the Philippines, we were able to track them and identify equipment installed doon sa subject vehicle.”

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng NBI, nakakakolekta ang mga equipment ng datos gaya ng coordinates at topograpiya ng mga pinuntahang lugar, at naipadadala in real time at posibleng magamit ng drone users.

Sabi pa ni Lotoc, “They have this remote application ICT equipment which in real time tinatransmit nila outside, may user ng application remotely nasa labas ng bansa, kinu-collate mga data na nakukuha ng subject group. Pwede itong gamitin sa drone control, malalaman nila topography, makikita structure natin, terrain, so kung yung may interes dito is capable of robotics kaya nilang i-control anonymous operations.”

Sinabi naman ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner, Jr., na mapanganib ang datos na nakolekta dahil posible itong magamit sa military targeting.

Ani Lotoc, “Not just the topography of the area but what kind of vehicles could pass thru this kind of topography or kung meron detalye na hindi nakikita gg satellites, mas nakikita sa ground these are very important information we belive na kapag nagamit ng militar would be very dangerous to us.”

Iniimbestigahan na rin aniya ng AFP kung konektado ang grupo sa ibang Chinese spy suspects na nadakip nila sa mga nakaraan.

Ayon kay Brawner, “Sa ngayon po we are lso conducting forensics on the equipment but initially what we saw in the equipment were pictures of camps, picture ng Fort Bonifacio, picture ng Aguinaldo, picture ng Crame. All of these devices including inside vehicles all data collecting devices as to the purpose of this, tinintingnan natin pagkakadugtong-dugtong, connection nila towards collecting all these data.”

Inihayag pa ni Lotoc, na may plano ang mga suspek na pagkatapos maikot ang Luzon ay isusunod ng mga ito ang Visayas at Mindanao.

Tuluy-tuloy naman ang follow-up operations ng NBI sa iba pang kasabwat ng nahuling Chinese na nasa Tsina pero may mga negosyo sa Pilipinas.

Inaalam din pa ng NBI kung state-sponsored ang grupo o kung parte ng organized crime group.

Sa ngayon ay ipinapaberipika na ng NBI sa Bureau of Immigration ang pasaporte ng Chinese.

Dagdag pa ni Lotoc, “We believe that well inabot namin sya as sleeper, yung galawan nya nasa normal lang kaya niyang magblend-in sa iba’t ibang grupo.”

Nagsumite naman ng extrajudicial confession ang dalawang Pinoy na suspek kung saan sinabi nila na inutusan sila ng Chinese national kung saan pupunta at kinontrol mismo nila ang mga equipment.

Mas naghigpit na rin ng seguridad ang AFP sa mga kampo at istruktura nito at mas pinaigting ang intelligence operations laban sa espionage activities kasunod ng panibagong insidente.

Pahayag pa ni Barwner, “This is also in line with the United States General Security of Military Information Agreement. We have to make sure our camps are secured, hindi lang po kampo but vital installations. We are also monitoring, may napansin kami tulad sa EDCA sites ay biglang may tumatayong POGO sa katabing area ng EDCA sites.”

Moira Encina-Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *