DOLE nanawagan na wakasan na ang pagtratrabaho ng mga kabataan sa mga lugar na may kaguluhan

Nanawagan si Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III sa mga ahensya ng pamahalaan at iba pang organisasyon na magtulong tulong para mapalakas at mapaunlad ang mga gawain na magpapatigil sa pagtratrabaho ng mga kabataan sa mga lugar na may kaguluhan.

Ito’y  matapos makatanggap ng ulat ang DOLE na may mga kabataan na pwersahang pinagtratrabaho sa mga mapanganib na lugar.

Sinabi ni Bello na sila ay nababahala sa mga napapaulat na sapilitan at pwersahang ginagamit ang mga kabataan sa nangyayaring kaguluhan sa Marawi bilang mga batang mandirigma o espiya.

Giit ni Bello, ang pagrerekrut ng kabataan para gamitin sa digmaan ay isa sa pinakamasamang uri ng trabaho batay sa International Labour oOganization Convention No. 182.

Kasabay sa paggunita sa pandaigdigang araw ng mga batang-manggawa ngayong linggo, ay ang panawagan na mawakasan ang kanilang pagtratrabaho sa mga lugar na may kaguluhan.

Ang tema ngayong taon ay “in conflicts and disasters, protect children from child labor”.

Matatandaang noong 2012, kinikilala ng United States Department of Labor ang mga naging gawain ng Pilipinas para wakasan ang pinakamasamang uri ng pagtratrabaho sa kabataan.

Sa ngayon mayroon pa ring 2.1 million na batang manggawa sa Pilipinas ang nagtratrabaho sa mapapanganib na lugar batay  sa 2011 survey on children na ginawa ng Philippine Statistics Authority.

Ulat ni: Earlo Bringas

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *