Ilang kaanak ng Maute group nasa Metro Manila na ayon kay NCRPO Chief Albayalde

 

Kinumpirma ni NCRPO  Director Oscar Albayalde na may mga kaanak na ang mga miyembro ng Maute group na nagtungo na sa Metro Manila.

Pero sa security briefing ni Albayalde sa Metro Manila Dev’t  Committee, sinabi nito na  hindi nila namomonitor na mga radikal ang mga nasabing kaanak ng Maute group.

Wala naman silang nakukuhang impormasyon na may balak na masama ang mga ito bagaman kasama sila sa binabantayan ng pulisya sa mga komunidad sa gitna ng mataas na alerto sa kasalukuyan.

Ayon pa kay Albayalde, ang buong Metro Manila sa kasalukuyan ay nasa kategorya ng moderate level threat, mas mababa na ito kumpara sa high level threat noong nakaraang taon.

Nilinaw ni Albayalde na  walang direct threat sa Metro Manila ang mga terorista gaya ng Maute group, Abu Sayyaf at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Pero naka full alert ang kanilang hanay at  walang pwedeng mag leave sa trabaho at kailangang siyento por siyento ang kanilang attendance.

Aktibo rin ang intelligence posture ng NCRPO ngayon at may ugnayan sila sa lahat ng law enforcement agencies kasama na ang National Intelligence Coordinating Agency  o NICA.

Isang daan at animnaput siyam naman ang nailatag na checkpoints sa buong Metro Manila simula ng mag umpisa ang giyera sa Maute group sa Marawi City.

Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *