Mark Taguba, hindi lehitimong Customs broker ayon sa Chamber of Customs Brokers Incorporated

Nilinaw ng Chamber of Customs Brokers Incorporated na hindi lehitimong Customs broker si Mark Taguba na pangunahing testigo ng Kongreso sa imbestigasyon sa 6.4 billion pesos na shabu shipment na nakalusot sa bansa.

Sa isang pahayag na may lagda ni CCBI President Atty. Ferdinand Nague, sinabi nito na hindi Customs Broker si taguba at hindi miyembro ng customs brokers profession.

Sa pagtestigo aniya ni Taguba sa mga pagdinig sa Kamara at Senado ay pinaniwala nito ang publiko na siya ay lehitimong broker na lubhang nakaapekto sa masamang persepyon ng mga tao sa kanilang propesyon.

Ang CCBI aniya ang accredited integrated professional organization ng mga Pinoy customs broker na may 9000 miyembro.

Binanggit ng CCBI na ipinagbabawal sa ilalim ng section 28 ng Customs Brokers Act of 2004 ang hindi otorisadong paggamit ng titulong broker nang walang kaukulang lisensya at kwalipikasyon.

Dahil dito hindi aniya magdadalawang -isip ang CCBI na maghain ng kaukulang reklamo laban sa sinoman magpapanggap na broker para maprotektahan ang kanilang lehitimong miyembro.

Ulat ni: Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *