Mga ordinaryong tsuper at mahihirap maapektuhan kapag ipinasa ang Tax Reform Package ng gobyerno

Ang mga ordinaryong tsuper at mahihirap pa rin ang tatamaan ng pinagtibay na Tax Reform Package ng Duterte administration.

Ito ang ibinabala ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on Ways and Means matapos pagtibayin sa Kamara ang panukalang Tax Reform Package.

Sa ilalim ng pinagtibay na panukala ng Kamara, ibababa ang income tax o libre na sa buwis ang sweldo ng mga empleado  aabot sa 250 thousand pesos kada taon.

Pero kasabay na itataas ang excise tax o papatawan ng anim na pisong dagdag na buwis  ang kada litro ng mga produktong petrolyo kasama na ang dagdag na buwis sa mga bibili ng mga bagong sasakyan.

Sabi ni Angara, inaasahan nang magkakaroon ito ng domino effect na nangangahulugang tataas ang presyo ng mga bilihin at mga serbisyo.

Sa pagdinig sa Senado, inamin ng mga eksperto na magkakaroon ng 1.6 percent na dagdag sa inflation rate o katumbas ng sampung pisong dagdag sa araw-araw na gastusin ng isang pamilya.

Isa sa tinukoy ni Angara ang singil sa minimum na pamasahe na mula sa kasalukuyang otso pesos, magiging sampung piso na kapag ipinasa ang panukala.

Dahil dito, paag-aaralan muna aniyang mabuti ng Senado ang panukala.

Kung magpapasa sila ng Tax Reform Package, baka hindi ito tumugma sa bersyon ng Kamara.

Ulat ni: Mean Corvera

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *