Operasyon ng AFP laban sa Maute group maaapektuhan kapag nagdesisyon ang SC kontra sa Martial Law sa Mindanao ayon sa Malakanyang

Tiyak na maaapektuhan ang operasyon ng militar sa Mindanao partikular sa Marawi City sa oras na magdesisyon ang Supreme Court kontra sa idineklarang Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao.

Ito ang inihayag ni AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla sa regular na Mindanao hour sa Malakanyang.

Ayon kay Padilla, kahit alisin ang Martial Law sa Mindanao ay magpapatuloy ang kanilang opensiba pero magbabawas na sila ng nakadeploy na tropa doon.

Inihayag ni Padilla kapag walang Martial Law ay mapipilay ang kanilang mga aksyon tulad ng agarang pag-aresto sa mga hinihinalang miyembro ng Maute terror group o iba pang lawless elements.

Hinikayat naman ng pamahalaan ang taong bayan na sana’y madalaw sa AFP General Hospital sa V. Luna Quezon City ang mga sugatang sundalo.

Sinabi ni Padilla na isang napakalaking bagay para sa mga sugatang bayaning sundalo kung sila’y madadalaw ng ating mga kababayan sa kanilang pagkaka-confine hospital.

Binigyang diin ni Padilla na labis na ipagpapasalamat ito ng mga sugatang sundalo gayung tiyak din aniyang makapagpapa-taas ito ng kanilang  morale sa kabila ng tinamo ng mga itong pinsala dahil sa pakikipag-laban.

Sa ngayon ayon sa AFP ay nasa 80 mga sugatang sundalo ang ginagamot sa V. Luna Hospital.

Samantala, nasa 50 sugatang sundalo na ngayon na nasa maayos ng kalagayan  ang nagpahayag ng pagnanais na muling sumabak sa pakikipag-sagupa sa mga terorista sa lungsod ng Marawi upang tapusin ang laban.

Ulat ni: Vic Somintac

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *