SC ibinasura ang hirit na TRO ni Senador Trillanes vs. Proclamation 572; Mga respondent, pinagkokomento sa loob ng 10 araw

Ibinasura ng Korte Suprema ang hirit na TRO ni Senador Antonio Trillanes IV laban sa implementasyon ng Proclamation 572.

Ayon kay acting SC PIO Chief Atty Gleo Guerra, walang nakitang matinding pangangailangan ang Korte Suprema para magisyu ito ng TRO o writ of preliminary injunction laban sa Proclamation 572 ni Pangulong Duterte.

Sa halip inatasan anya ng Korte Suprema ang mga respondents na maghain ng komento sa petisyon ni Trillanes sa loob ng 10 araw.

Sinabi ni Atty Guerra na isa sa mga batayan ng Korte Suprema sa pagbasura sa nais na TRO ng senador ay ang pagiging factual in nature ng usapin kung naghain ba ng amnesty application si Trillanes at kung umamin ito sa mga krimen na inaakusa laban dito.

Paliwanag ng SC, tanging ang mga trial courts at Court of Appeals ang trier of facts.

Kinilala rin ng Korte Suprema ang hurisdiksyon ng Makati City RTC at sinabi na tama lang na bigyan ng kalayaan ang mababang korte na dinggin at resolbahin ang mga mosyon na inihain ng mga partido kaugnay sa ligalidad ng Proclamation 572.

Ikinonsidera rin ng Korte Suprema ang pahayag ng Pangulo na hindi aarestuhin si Trillanes hanggang walang warrant of arrest na ipinapalabas ang hukuman.

Binanggit pa ng Supreme Court ang paghahain ng mosyon ng DOJ sa Makati City RTC at pagtitiyak ng AFP na hindi muna itutuloy ang court martial proceedings hanggang di pa nareresolba ang isyu ng pagpapawalang-bisa sa amnestiya ni Trillanes.

Respondents sa petisyon ni Trillanes sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Defense Secretary Delfin Lorenzana, DILG OIC Eduardo Año, Justice Secretary Menardo Guevarra, AFP Chief of Staff Carlito Galvez at PNP Chief Oscar Albayalde.

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *