Senado kinakalampag na ipasa na ang one family one graduate bill

Matapos na ipasa ng Senado ang libreng tution fee sa lahat ng State Colleges and Universities, nanawagan naman si Senador Sonny Angara sa mga kapwa mambabatas na ipasa ang panukalang one family, one graduate bill.

Sa  inihaing Senate Bill 133, nais ni Angara na bigyan ng libreng edukasyon ang isang estudyante na kabilang sa pamilyang  mahihirap hanggang sa makatapos ito sa pag-aaral sa kolehiyo .

Sa panukala sinabi ni Angara na ang mga benepisyaryo ng 4P’s o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang ipaprayoridad sa programa.

Ipinaliwanag ni Angara na ang One Family, One Graduate Bill ay ginagarantiya na magkakaroon ang isang mahirap na pamilya ng isang anak na makakatapos sa kolehiyo.

Sinabi ng Senador na habang pinagagaan ang gastusin ng mga estudyanteng pumapasok sa SUC’s, dapat mas prayoridad rin na tulungan ang mga pamilya na wala talagang kakayahang makapagpatapos ng kanilang mga anak.

Sa ilalim ng naturang panukalang batas bibigyan ng maximum na ₱60,000 kada taon ang bawat estudyante na karapatdapat sa programa para sa pangtustos sa pag-aaral at mga gastusin sa paaralan.

Iginiit pa ni Angara na ang pinaka-layunin ng panukala ay siguruhing walang maiiwan sa libreng edukasyon lalo na sa mga mahihirap na kabataan.

Ulat ni : Mean Corvera

Please follow and like us: