2.3 milyong halaga ng shabu, nasabat sa babaeng drug peddler sa Cabanatuan city

Arestado sa isinagawang buy-bust operation ang isang 43-anyos na babae matapos makuhanan ng nasa 345 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng halos 2,346,000 piso.

Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar, nakilala ang suspect na si Sheryl Santos, residente ng Sto. Domingo Nueva Ecija.

Naaresto ito ng mga operatiba ng Cabanatuan City Drug Enforcement Unit and Sto. Domingo Municipal Police Station at PDEA sa anti-drug operation sa Barangay Aduas Norte, Cabanatuan city.

Nadakip ang suspect matapos bentahan ang isang undercover police ng isang plastic sachet ng shabu.

Maliban sa mga droga, nakumpiska rin sa babaeng suspect ang dalawang piraso ng digital weighing scale na nakasilid sa isang brown na hand bag at buy-bust money.

Nasa kustodiya na ang suspect ng Cabanatuan PNP at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.

Please follow and like us: