2 patay, 15 sugatan sa Tayabas city, Quezon matapos mabangga ng truck na nawalan ng preno

Dalawa ang patay habang 15 ang sugatan sa aksidenteng kinasangkutan ng isang truck na nawalan ng preno kaninang umaga.

Kabilang sa mga nasawi ang driver ng truck na nakilalang si Jeffrey Melchor Ferreras, 31-anyos, at residente ng Concepcion, Tarlac at ang isang pahinante nito na si Jonathan Bacximen Simballa, 44 anyos na taga- Binondo, Maynila.

Sa ulat ng Tayabas city police, patungo sana sa City proper ang truck pero nawalan ito ng preno at sumagasa sa siyam na iba pang sasakyan at dalawang bahay sa bahagi ng kalsada sa Quezon Avenue.

Unang nasalpok nito ang sinunsundang isa pang elf truck na sa lakas ng pagkasalpok ay tumilapon sa isang bahay na nasa gilid ng highway.

Nagpatuloy pa sa pagtakbo ang truck hanggang sa umabot pa sa kalye na sakop na ng Angeles Z-1, at nasagasan pa ang iba pang sasakyan na kinabibilangan ng limang tricycle, dalawang motorsiklo at dalawang kotse, bago tuluyang sumalpok sa isa pang bahay.

Kabilang naman sa mga sugatan ang 12 anyos na batang lalaki.

Isinugod na sa ibat-ibang pagamutan sa Tayabas City at sa Lucena City ang mga nasugatan.

Allan Llaneta, EBC Correspondent

Please follow and like us: