450 dayuhan arestado ng Bureau of Immigration sa isang scam hub sa Parañaque City
Umabot sa 450 dayuhan na karamihan ay Chinese ang nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa malakihang raid sa isang scam hub sa Parañaque City.
Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, matagal nang mino-monitor ng BI ang aktibidad sa nasabing lugar.
Immigration Commissioner Joel Anthony Viado / Photo: Bureau of Immigration
Batay sa inisyal na imbestigasyon, mala-POGO ang operasyon sa gusali kung saan ang mga binibiktima ng online scam operations ay nasa ibang bansa.
Sa ngayon aniya inaalam pa ang mga posibleng paglabag sa immigration laws ng mga dayuhan bago sila ipadeport.
Inihayag ni Viado na nakatuwang ng BI ang NCRPO para sa pinagpiitan ng mga nahuling banyaga.
Samantala, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na maglalabas siya ng kautusan sa Lunes para sa mga LGU na maglabas ng sertipikasyon na wala ng POGO sa kanilang lugar.
Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla / DILG
Ayon kay Viado, “Yung typical na maraming computer terminals ang nakita namin two floors maraming computers, nandon yung operations, have been subject of surveillance proceedings for quite some time.”
Sinabi naman ni Remulla, “May EO na ilalabas sa Monday na every month dapat all LGUs must submit a certification na POGO – free na ang lugar nila. Mensahe sa lahat ng LGUs, tibayan nyo ang trabaho nyo, husayan nyo trabaho, siguraduhin ang inspection sa lahat ng building. Kasi kayo rin mananagot kung mahuli namin na pinasok nyo building pero di nyo nireport sa akin.”
Moira Encina-Cruz