Anim na milyong balotang unang na-imprenta ng Comelec para sa 2025 elections, ire-recycle

Sa halip na sirain, sinabi ng Commission on Elections (Comelec), na ire-recycle na lamang nila ang anim na milyong balotang na-imprenta pero hindi na puwedeng gamitin sa darating na May 2025 elections.

Kasunod ito ng inilabas na temporary restraining order (TRO) ng Korte Suprema, sa ilang aspiranteng una nang diniskuwalipika ng poll body.

Nilinaw ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, na para sa pag-iimprenta ng mga bagong balota ay bagong papel ang kanilang gagamitin.

Aniya, “Kung hihintayin, magtatagal. Kailangan tuloy-tuloy ang production, dapat nakapila na. Production ng paper matagal, may curing period pa yan.”

Sinimulan na rin ng Comelec ang paglipat sa ilang mga na-imprentang balota mula sa National Printing Office (NPO) patungo sa kanilang warehouse sa Sta. Rosa, Laguna.

Hindi kasi ito puwede sa NPO dahil malaking espasyo rin ang nagagamit nito.

Sinabi ni Atty. Laudiangco, “Sa NPO maliit facility, kailangan mabakante ang lugar para sa pagsisimula ng imprenta. May lugar, sa Sta. Rosa, kasi ang Binan yan ang staging area ng deployment ng Comelec para walang mix-up.”

Bago ipadala sa warehouse, ang mga na-imprentang balota ay isasailalim pa sa beripikasyon, kaya posibleng abutin din ng ilang araw bago matapos ang paglilipat ng mga ito sa Laguna.

Ipinakita rin ng Comelec sa media ang testing sa apat na makina ng NPO kung puwede itong gamitin para mas mabilis ang muling pag-imprenta ng mga balota.

Pero kumpara sa high end machine galing sa MIRU, sa mga makina ng NPO, hindi pa naka-cut ang balota kaya nakarolyo pa ito kapag lumabas, kaya kailangan pa itong isalang sa hiwalay na makina.

Sa pagtaya ng Comelec, posibleng sa kalagitnaan ng susunod na linggo pa masimulan ang pag-imprenta, hindi pa kasi tapos ang ginagawang pagbabago sa election management system at bagong ballot face.

Madelyn Villar-Moratillo

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *