Anim na pulis sa Navotas na isinasangkot sa pagkamatay ng binatilyong si Jemboy Baltazar, kinasuhan ng murder sa korte

Pormal nang sinampahan ng kaso sa hukuman ang anim na pulis sa Navotas City na isinasangkot sa pagkamatay ng 17 taong gulang na si Jemboy Baltazar.

Kasong murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code ang inihain ng piskalya sa Navotas City Regional Trial Court laban sa mga pulis.

Ang mga akusado ay kinilalang sina PSSg Gerry Maliban, PSSg Antonio Bugayon, Jr., PEMS Roberto Balais, Jr, PSSg Nikko Esquilon, PCpl Edmard Jade Blanco, Patrolman Benedict Mangada at ilang John Does.

“MGA PULIS NA KINASUHAN:

PSSg Gerry Maliban
PSSg Antonio Bugayon, Jr.
PEMS Roberto Balais, Jr
PSSg Nikko Esquilon
PCpl Edmard Jade Blanco
Patrolman Benedict Mangada”

Batay sa kaso na isinampa ng Navotas City prosecutors, nagsabwatan ang mga akusado para pagbabarilin si Baltazar na nagtamo ng mga tama ng bala sa kaniyang ulo habang siya ay nasa akto ng pagtalon at kahit nang nasa ilalim na ito ng tubig.

Ayon pa sa piskalya, sinadyang pumuwesto ang mga akusado sa vantage point para walang paraan ang biktima upang maidepensa ang sarili.

Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, pinag-aralan nilang mabuti ang kaso at hindi sila pumayag sa nais na homicide case laban sa mga pulis.

“Ito po’y pinag-usapan sa DOJ at in-evaluate upang maging tama ang ipa-file na kaso” pahayag ni Secretary Remulla

Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *