Dalawang Pinay na pinaniniwalaang nasangkot sa coordinated mail-order bride scheme, naharang ng Bureau of Immigration sa NAIA Terminal 1


Photo: Courtesy of B.I.
Naharang ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 (ania-1), ang dalawang Pinay na pinaniniwalaang nasangkot sa coordinated mail-order bride scheme.
Sa report kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, sinabi ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) na ang mga babae na parehong nasa kanilang early twenties, ay naharang bago sumakay sa eroplano ng Xiamen Airlines patungong China.
Sa magkahiwalay na inspeksyon, ang dalawang babae ay nagpakita ng mga sertipiko ng kasal at sinabing sila ay mahabang panahon kasal sa kanilang asawang dayuhan.
Gayunpaman, nakita ng I-PROBES ang hindi pagkakapare-pareho sa kanilang mga pahayag, at natuklasan na ang parehong kasal ay naganap sa parehong petsa at oras.
Sa karagdagang panayam, inamin ng mga biktima na peke ang kasal at sinabing dalawa pang Pinay ang ikinasal din sa Chinese national nang araw ding iyon.
Sinabi ni Viado na ang modus na ito ay patuloy na tumataas, na ang target ay ang mga mahihinang Pilipino at ang mga trafficker aniya ay sumusubok ng mga bagong taktika upang pagsamantalahan ang ating mga kababaihan.
Muling pinagtibay ni Viado ang pangako ng Bureau, sa pakikipag-ugnayan sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), na labanan ang human trafficking at protektahan ang mga Pilipinong nasa panganib.
Ang mga biktima ay itinurn-over na sa IACAT para sa karagdagang imbestigasyon laban sa kanilang mga recruiter.
Archie Amado