Top prize sa American Music Awards nakuha ni Billie Eilish


Billie Eilish gives acceptance speech for the Artist of the Year award virtually at the 2025 American Music Awards, in Las Vegas, Nevada, U.S., May 26, 2025. REUTERS/Mario Anzuoni
Nakuha ng “Birds of a Feather” singer na si Billie Eilish ang top honor sa ginanap na American Music Awards (AMA), kung saan nanalo siya bilang artist of the year sa Las Vegas sa isang red-carpet ceremony, na nagbibigay parangal sa winners na pinili ng fans sa pamamagitan ng pagboto.
Dinaig ng pop singer na si Eilish sina Taylor Swift, Kendrick Lamar, Morgan Wallen at iba pang nominees.
Nakuha ni Eilish ang lahat ng pitong kategorya kung saan siya nominado, kabilang na ang album of the year at favorite touring artist.
Sa isang video message mula sa Europe kung saan siya nagsasagawa ng concert tour, sinabi ni Eilish, “This is so crazy. I feel speechless, I wish I could be there tonight.”
Ini-release ng bente tres anyos na si Eilish, ang ikatlo niyang studio album na may titulong “Hit Me Hard and Soft,” noong May 2024.
Ang “That’s So True” singer na si Gracie Abrams, na winner ng new artist of the year, ay nagpadala rin ng isang recording upang tanggapin ang kaniyang panalo. Pinasalamatan niya ang kaniyang fans, at sinabing masuwerte siya.
Aniya, “They have reminded me of the light that exists out there.’
Si SZA naman ang nag-uwi sa AMA accolades for female R&B artist at R&B song para sa awiting “Saturn,” habang si Becky G ay pinangalanang favorite female Latin artist.
Maraming malalaking pangalan sa listahan ng mga nominee ang hindi nakadalo sa parangal, na live ipinalabas sa CBS mula sa Fontainebleau Las Vegas hotel.
Isa na rito si Beyonce, na nanalong favorite female country artist at favorite country album para sa “Cowboy Carter,” ang una niyang napanalunan sa AMA sa country categories.
Si Post Malone ay wagi bilang favorite male country artist.
Ang iba pang hindi nakadalo ay si Taylor Swift at Kendrick Lamar.
Si Lamar ay nanguna sa seremonya sa pamamagitan ng sampung nominasyon. Napanalunan niya ang isang award, ang favorite hip-hop song, para sa “Not Like Us.”
Ang awards night ay nagbukas sa pamamagitan ng host na si Jennifer Lopez na kumanta at sumayaw sa isang anim na minutong medley medley ng 23 hits ng mga nominado.
Kabilang sa mga inawit niya ay ang “Birds of a Feather,” ni Eilish, “Espresso” ni Sabrina Carpenter at ”Texas Hold ‘Em” ni Beyonce.
Pinarangalan naman si Janet Jackson ng Icon award, na siang tribute sa mga artist na may global influence.
Pahayag ni Jackson, “I don’t consider myself an icon. The one thing that I hope for is that I’m an inspiration for others to follow their dreams and succeed.”
Ang otsenta anyos na si Rod Stewart ay tumanggap naman ng isang lifetime achievement honor at sumayaw at kumanta sa kaniyang pop hit na “Forever Young,” na inilabas noong 1984.
Sinabi ni Stewart, “When I started my career, I had this burning ambition to sing. That’s all I wanted to do. I didn’t want to be rich or famous.”