Denmark, inalis na ang lahat ng virus restrictions

Matapos una nang alisin ang pagpapatupad sa pagsusuot ng masks, inalis na rin ng Denmark ngayong Biyernes (Sept.10) ang huling
virus restriction sa bansa. Ang vaccine passports sa nightclubs.

Ang vaccine passports ay ipinatupad noong March 2021, nang simulan ng Copenhagen ang unti-unting pagluluwag sa mga umiiral na restrictions.

Noong September 1 ay hindi na ito ipinatupad sa lahat ng venues maliban sa nightclubs.

Ayon kay Ulrik Orum-Petersen, isang promoter sa event organiser na Live Nation. . . “We are definitely at the forefront in Denmark as we have no restrictions, and we are now on the other side of the pandemic, thanks to the vaccination rollout.”

Bukas (Sabado), isang sold-out concert sa Copenhagen ang dadaluhan ng 50,000 katao.

Noong September 4, ang Live Nation ay nag-organisa na rin ng unang open-air festival na tinawag na “Back to Live” na dinaluhan ng 15,000 katao sa Copenhagen.

Naging mabilis ang vaccination campaign ng Denmark, kung saan 78% ng 5.8 milyong populasyon nito ang fully vaccinated na, at 96% ng mga nasa edad 65 pataas.

Ayon sa World Health Organization (WHO), nakinabang ang Denmark sa pagiging masunurin ng publiko sa government guidelines at sa estratehiyang ginamit sa paglaban sa Covid-19.

Ayon kay Catherine Smallwood, WHO Europe emergency officer . . . “Like many countries, Denmark has, throughout the pandemic, implemented public health and social measures to reduce transmission. But at the same time it has greatly relied on individuals and communities to comply voluntarily.”

Sa pahayag ng Danish authorities, ngayong halos nasa 500 na lamang ang kanilang daily Covid cases at ang reproduction rate ay 0.7, nakontrol na nila ang virus.

Subalit sinabi ni health minister Magnus Heunicke, na hindi mag-aatubili ang gobyerno na agad ibalik ang mga restriksiyon kapag kinailangan.

Giit ng mga awtoridad, ang pagbabalik sa normal na buhay ay dapat sabayan ng mahigpit na hygiene measures at isolation ng mga taong maysakit.

Ayon sa Denmark, mahigpit pa rin nilang babantayan ang bilang ng mga nao-ospital na sa ngayon ay wala pang 130, at magsasagawa ng sequencing para masundan ang galaw ng virus.

Nagbigay na rin ng third dose para sa risk groups simula kahapon (Huwebes).

Ikinu-konsidera pa rin ng WHO na kritikal ang global situation, kayat patuloy nitong hinihimok ang mga bansa na mag-ingat.

Please follow and like us: