Isang 10-wheeler truck at isang SUV, nagbanggaan sa Isabela

Isang 10-wheeler truck at isang SUV ang nagbanggaan malapit sa isang gasolinahan, sa kanto ng Barangay San Pedro sa Roxas, Isabela.

Sa panayam sa driver ng SUV na nakilalang si Jimmy Ocon, 55-anyos, residente at kagawad ng Barangay Muñoz West, papasok siya ng Barangay San Pedro nang makasabay niya ang 10-wheeler truck na minamaneho ng isang lalaking ayaw magpakilala, na nasa pagitan ng 20-25 anyos.

Dahil umano sa hindi maingat na pagmamaneho ng naturang lalaki, ay nabangga niya ang SUV na minamaneho ni Ocon.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng pulisya na nakasasakop sa bayan ng Roxas, para imbestigahan ang nangyari.

Sa kabutihang palad ay wala namang nasaktan sa aksidente, maliban sa matinding pinsalang tinamo ng SUV bunga ng pagkakabangga ng trak.

Ipinagpasalamat din ng may-ari ng gasolinahan na hindi sa kanila bumangga ang naturang trak.

Sa pagsisiyasat ng mga pulis sa pinangyarihan ng aksidente, ay nadiskubre nila na walang lisensya ang driver ng trak.

Ulat ni Dherick Kintana

Please follow and like us: