Korte Suprema pinagtibay ang pagkaltas ng buwis sa allowance at fringe benefits ng mga kawani ng pamahalaan

Pinagtibay ng Korte Suprema ang pagpataw ng buwis sa mga allowances at fringe benefits ng mga kawani ng gobyerno.

Sa desisyon ng Supreme Court, ibinasura nito ang petisyon na inihain ng mga grupo ng mga empleyado mula sa ibat-ibang tanggapan ng pamahalaan laban sa kautusan ng BIR na nagkakaltas ng buwis sa income allowances, bonuses, compensation at fringe benefits ng mga government employees.

Partikular na pinagtibay ng SC ang Sections III, IV at VII ng BIR Revenue Memorandum Order 23-2014 na nagaatas sa pamahalaan na patawan ng buwis ang mga allowance ng mga kawani nito.

Ayon sa Korte Suprema, taxable ang lahat ng kita na tinanggap ng kawani mula sa kanyang employer.

Mayroon din anyang tungkulin ang gobyerno bilang employers na mag-withhold o magremit ng kaukulang buwis.

Sinabi pa ng Korte Suprema na walang ipinataw na bagong buwis ang BIR dahil ipinapatupad lamang nito ang probisyon sa Tax Code ukol sa withholding tax na ipinapataw sa compensation income.

Paliwanag pa ng SC, ang fiscal autonomy ng Hudikatura, Ombudsman at Constitutional Commissions ay hindi nangangahulugang exempted na ang mga ito sa mga buwis na ipinapataw ng batas.

Samantala, idineklara naman na iligal ng Supreme Court ang Section VI ng kinukuwestiyong BIR memo na nag-aatas sa mga gobernador, alkalde, barangay captain at pinuno ng mga ahensya ng gobyerno bilang taga-kaltas at taga-remit ng withholding taxes.

Umabuso anila ang BIR sa kapangyarihan nito dahil hindi naman inoobliga ng tax code na gumanap ng nasabing mga tungkulin ang mga pinuno ng LGUs at ng mga ahensya ng pamahalaan.

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *