Labingwalo patay nang mahulog sa bangin ang isang bus sa Mexico

Rescuers work at the site of a bus crash in Mexico's Nayarit State on August 3, 2023 (Photo by ULISES RUIZ / AFP)

Hindi bababa sa 18 katao ang namatay at nasa 23 iba pa ang nasaktan, matapos mahulog sa isang bangin sa hilagang-kanluran ng Mexico, ang isang bus na may lulang foreign migrants at ilang locals.

Ayon sa civil protection agency sa estado ng Nayarit, kabilang sa mga nasawi ang tatlong menor-de-edad.

Ang bus na may lulang humigit-kumulang 40 katao, ay bumibiyahe mula Mexico City patungo sa northwestern Tijuana, na may hangganan sa San Diego, kung saan nanggagaling ang maraming migrante na nagtatangkang tumawid sa Estados Unidos.

Sinabi ng civil protection agency, “Most of the passengers are foreigners and originating from countries such as India, the Dominican Republic and from the African continent, among others, some of whom were heading to Tijuana to cross into the United States.”

Dagdag pa ng ahensiya, ang tsuper ng bus ay idinitini dahil sa hinalang mabilis ang pagpapatakbo nito sanhi upang mawalan siya ng kontrol at mahulog ang bus malapit sa Tepic na kabisera ng estado.

Ang mga aksidente sa kalsada na nagbubunga ng kamatayan ay karaniwan na sa Mexico, kalimitan ay sanhi ng mabilis na pagpapatakbo, hindi magandang kondisyon ng sasakyan o driver fatigue.

Ang nasabing mga aksidente ang pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga migrante sa mapanganib nilang paglalakbay upang makarating sa Estados Unidos.

Noong Pebrero, nasangkot ang mga migrante galing Venezuela, Colombia, at Central America sa isang bus crash sa pagitan ng southern state ng Oaxaca at central Puebla na ikinasawi ng hindi bababa sa 17.

Noon namang July, nasa 29 katao ang namatay nang mahulog sa bangin ang isang pampasaherong bus habang bumabagtas sa isang kalsada sa gilid ng bundok.

Habang Disyembre 2021 naman nang bumangga sa isang pedestrian bridge ang isang trailer na may lulang 160 migrante, sa highway na nasa southern state ng Chiapas, na ikinasawi ng 56 na karamihan ay Guatemalans.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *