Laguna Gov. Ramil Hernandez, nagpositibo sa COVID-19

Naka-home quarantine si Laguna Gov. Ramil Hernandez matapos na nagpositibo sa COVID-19.

Inanunsiyo ni Hernandez sa kanyang Facebook account na noong Sabado ay lumabas ang resulta ng kanyang swab test na nagkukumpirma na siya ay nahawahan ng COVID-19.

Ayon sa gobernador, nakararanas siya ng mild na sintomas ng sakit.

Sinabi ni Hernandez na maaaring siya ay nahawa sa kabila ng mga pag-iingat dahil sa hindi maiiwasan sa kanyang trabaho bilang lingkod bayan ang pakikisalamuha sa mga tao araw-araw.

Tiniyak ng opisyal na tuluy-tuloy ang operasyon ng Laguna Provincial Government habang siya ay work from home.

Umaasa si Hernandez na ang nangyari sa kanya ay magsilbing paalala sa lahat na mag-ingat, sumunod sa health at safety protocols, at magpabakuna laban sa COVID-19.

Moira Encina

Please follow and like us: