Libu-libong Cotabateno, nakiisa sa protest rally para kay FPRRD

Courtesy: toquero photography
Kabilang ang Cotabato City sa mga lugar sa iba’t ibang panig ng bansa na nakiisa sa prayer rally bilang suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kasunod nang pag-aresto ng International Criminal Court o ICC dahil sa sinasabing crimes against humanity kaugnay ng kanyang kampanya laban sa illegal drugs.

Courtesy: Toquero photography
Libu-libong Bangsamoro at residente ng lungsod na nagmula sa iba’t ibang sector ng lipunan ang nagtipon sa City Plaza upang ipahayag ang kanilang saloobin, hingil sa umano’y di makatarungang pag-aresto sa dating presidente.
Nakasuot ng puti at bitbit nila ang mga plakard at tarpaulin na may mga mensaheng nananawagan ng hustisya para kay dating Pangulong Duterte, at pagtutol sa aksyon ng ICC sa tulong ng kasalukuyang administrasyon.

Courtesy: Toquero photography
Ayon sa kanila, ang kampanya kontra droga ng dating pangulo ay nagdulot ng positibong pagbabago sa kanilang komunidad at hindi nararapat na ituring na krimen laban sa sangkatauhan.
Kinilala din ng mga Bangsamoro sa Cotabato City, na ngayon ay sentro na ng BARMM, ang nagawa ng dating Pangulo para mabuo ang Bangsamoro Organic Law at magkaroon ng autonomiya ang mga mamamayang Bangsamoro.
Ang ilang mga kabataan ay nag-ingay pa gamit ang kanilang mga motorsiklo para ipakita ang suporta kay FPRRD.
Isinagawa nila ito, pagkatapos ng kanilang tarawee o prayers after fast kagabi habang hinahanda naman sa Maynila ang proseso ng pagdala kay dating Pangulong Duterte sa the Hague para harapin ang kanyang kaso duon.

Courtesy: Toquero photography
Inaasahan naman ngayong gabi ang kapareho pang mga pagprotesta at prayer rallies sa mga kalapit na bayan ng Midsayap, Tacurong, Kidapawan at Marawi kung saan makikiisa ang iba pang maliit na bayan sa Central Mindanao.
Samantala, patuloy na magbabantay ang mga lokal na awtoridad sa sitwasyon upang matiyak ang kaayusan at seguridad ng mga nagsasagawa ng kilos-protesta.
Odessa Cruz