Manila police na naglabas ng baril sa nakagitgitang rider sa viral video, sinibak na sa pwesto


Sinibak na sa puwesto ng Manila Police District (MPD), ang pulis sa nag-viral na video na naglabas ng baril sa rider na nakagitgitan nito nito sa kalsada.
Isinuko na ng pulis ang kanyang service firearm at kasalukuyan syang nasa kustodiya ng District Personnel Holding and Accounting Section ng MPD.
Ipinag-utos na rin ni PNP Chied General Rommel Francisco Marbil, ang mabilis na pag-iimbestiga sa pulis na nahaharap ngayon sa kasong Grave Misconduct at Conduct Unbecoming of a Police Officer.
Nabatid sa imbestigasyon na ang naturang pulis ay nakatalaga sa covert security operations sa isang polling center sa Maynila noong araw ng halalan.
Sa kasagsagan ng mga sasakyan sa trapiko, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang pulis at ang isang motorcycle rider na nauwi sa paglabas nito ng kanyang baril.
Agad namang rumesponde ang mga nakatalagang pulis sa Police Assistance Desk ng nasabing polling center at dinala ang dalawa sa barangay.
Ayon kay Gen. Marbil, batid nya ang panganib ng trabaho ng pulis ngunit hindi aniya ito rason para gumawa ng bagay na makasisira sa tiwala ng publiko.
Seryoso aniya niyang pinatututukan ang pagkakaroon ng patas na imbestigasyon at tiniyak na papatawan ng parusa ang mapatutunayang nagkamali.
Hinikayat din ng heneral ang mga motorista na maging mahinahon, disiplinado, at magpakita ng respeto sa kalsada kasabay ng panawagan sa mga pulis na gampanan ang kanilang tungkulin nang may mataas na antas ng propesyonalismo at manatiling kalmado sa lahat ng sitwasyon.
Mar Gabriel