Mga magpaparehistro sa Maynila dagsa na sa tanggapan ng Comelec, isang linggo bago ang deadline ng voter registration

Isang linggo bago ang deadline ng voter registration, dagsa pa rin ang mga kababayan natin sa mga tanggapan ng Commission on Elections.

Gaya na lang sa tanggapan ng Comelec sa Aroceros sa Maynila, madaling araw pa lang mahaba na ang pila ng mga nais magparehistro.

Ang iba nauupo na lang muna sa gilid ng kalsada habang naghihintay na magbukas ang tanggapan ng Comelec.

Pero para mabawasan ang dagsa ng tao sa Comelec Offices, may mall registration sites rin na itinalaga ang Comelec na maaaring makita sa kanilang social media page.

Ayon sa Comelec, sa mga lugar na nasa Modified Enhanced Community Quarantine naman, ang pagpaparehistro ay mula 8:00 am hanggang 5:00 pm mula Lunes hanggang Sabado at maging sa araw ng Holidays.

Habang 8:00 am hanggang 7:00 pm naman mula Lunes hanggang Biyernes at 8:00 am hanggang 5:00 pm naman sa araw ng Sabado at holidays sa mga lugar na nasa General Community Quarantine at MGCQ.

Ang deadline ng voter registration ay hanggang September 30 na lamang.

Pero may mga nakahaing panukala sa Kamara at Senado para palawigin pa ang voter registration hanggang sa Oktubre.

Dahil kasi sa mga ipinatupad na mahigpit na community quarantine ay ilang beses natigil pansamantala ang voter registration.

Paalala naman sa mga magpaparehistro, dapat may printed copy na ng registration form na makikita sa website ng Comelec.

Dapat ay sagutan na rin ito, pero huwag munang pirmahan.Magdala rin ng sariling ballpen at tiyaking sumunod sa health protocols.

Please follow and like us: