Mt. Bulusan, itinaas sa Alert Level 1 kasunod ng phreatic eruption

Itinaas na sa Alert Level 1 ang Bulkang Bulusan matapos makapagtala ang pagsabog o phreatic explosion kaninang umaga.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naganap ang pagsabog 10:37 ng umaga kanina at tumagal ng 17 minuto.

Kulay gray na abo ang ibinuga ng bulkan na may 1 kilometro ang taas na napadpad sa dakong Kanluran.

Naiulat ang ashfall sa mga bayan ng Juban at Casiguran sa Sorsogon.

Pero bago ang pagputok, nakapagtala ang Bulusan Volcano Network (BVN) ng 77 volcanic earthquakes sa bulkan sa nakalipas na 24 oras.

Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, ang pagsabog ay sanhi ng pagpapakulo ng tubig sa ilalim ng crater.

May posibilidad din aniya na maulit ang pagputok ng bulkan.

Dahil dito mahigpit ang paalala ng Phivolcs sa mga lokal na pamahalaan at sa publiko na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone at pinalawig pa ito sa 2-kilometer Extended Danger Zone dahil sa posibilidad ng mapanganib na pagsabog.

Inaabisuhan din ang mga piloto na iwasang magpalipad ng aircraft malapit sa bunganga ng bulkan dahil sa posibleng pagbuga ng abo sakaling magkaroon muli ng phreatic eruption.

Pinapayuhan din ang mga residenteng nasa paligid ng bulkan na maging mapagmatyag lalu na’t kung makaranas ng malakas na ulan dahil sa posibleng pagdaloy naman ng lahar.

Samantala, kinumpirma ng Office of Civil Defense (OCD) Bicol na ligtas ang lahat ng 14 na hikers kasama ang 4 na guides na umakyat sa Bulusan Volcano.

Please follow and like us: