NBI Forensic Medicine Team tumutulong na sa imbestigasyon ng PNP sa kaso ng pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera

Umaalalay na rin ang NBI sa PNP sa pag-iimbestiga sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na tumutulong ang NBI Forensic Medicine Team sa PNP Makati SOCO para mabatid ang sanhi ng pagkamatay ni Dacera.

Inihayag ni Guevarra na sa halip na hiwalay na imbestigasyon ay inatasan niya ang NBI na tulungan ang  pulisya partikular sa aspetong medico-legal ng kaso.

Ayon pa sa kalihim, kailangan nilang hintayin na maihain ng pulisya ang pormal na reklamo laban sa mga suspek bago sila makapagisyu ng travel alert order.

Aniya ang reklamo ang pagbabatayan ng DOJ para makapagpalabas sila ng Immigration Lookout Bulletin Order laban sa mga suspek sa kaso.

Paliwanag pa  ni Guevarra kung may sapat na ebidensya ay maaaring hilingin ng piskal sa korte na magisyu ng precautionary hold departure order laban sa mga suspek para hindi sila makaalis ng bansa habang hindi pa tapos ang inquest o preliminary investigation sa reklamo.

Moira Encina

Please follow and like us: