Pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino, iimbestigahan ng NBI

Inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang NBI na imbestigahan ang pagpatay kay Calbayog City, Samar Mayor Ronaldo Aquino.

Sa department order na inisyu ni Guevarra, ipinagutos sa NBI na ungkatin ang shooting incident sa Calbayog City noong Martes na nagresulta sa pagkamatay ng alkalde, at iba pang indibidwal.

Pinasasampahan din sa NBI ng kaukulang reklamo ang mga taong dawit at responsable sa pangyayari kung may sapat na ebidensya.

Sinabi pa ni Guevarra na ipinagutos niya sa NBI na imbestigahan ang insidente dahil batay sa kanilang inisyal na impormasyon ay mga pulis ang sangkot at naka-engkwentro ng kampo ng mayor.

Anya para matiyak na magiging objective at impartial ang imbestigasyon ay papasok ang NBI sa pagiimbestiga.

Sa inisyal na ulat, lulan ng SUV si Aquino at papunta sa pagdiriwang ng kaarawan ng anak nito nang sundan ng isang puting van at paputukan ng mga salarin na nakasakay sa van.

Moira Encina

Please follow and like us: