Pilipinas itinanghal na Asia’s Leading Dive Destination at Asia’s Leading Beach Destination sa 29th WTA

Inanunsiyo ng Department of Tourism (DOT) ang back-to-back na panalo ng Pilipinas sa 29th World Travel Awards (WTA) 2022 na ginanap sa Ho Chi Minh City, Vietnam.

Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, itinanghal ang Pilipinas sa WTA bilang Asia’s Leading Dive Destination at Asia’s Leading Beach Destination.

Bukod dito, kinilala naman ang Intramuros bilang Asia’s Leading Tourist Attraction.

Sinabi ni Frasco na ito na ang ika-anim na pagkakataon na nagwagi ang Pilipinas bilang Leading Beach Destination sa Asya kung saan natalo nito ang India, Indonesia, Malaysia, Sri Lanka, Thailand, at Vietnam.

Sa loob ng apat na magkakasunod na taon naman o mula 2019 aniya ay nakuha ng Pilipinas ang titulo na Leading Dive Destination sa Asya.

Ilan naman sa naungusan ng Intramuros, Manila bilang Leading Tourist Attraction sa Asya ang Angkor Temples ng Cambodia;Taj Mahal ng India, teamLab SuperNature ng Macao, Great Wall, The Forbidden City, and Terracotta Warriors sa China; at ang Tokyo Imperial Palace sa Japan.

Ayon sa kalihim, ang Pilipinas ay isang magandang bansa at ang mga gawad na ito mula sa WTA ay isang patunay sa tourism stakeholders at workers na nagsakripisyo nang malaki sa panahon ng pandemya.

Inimbitahan ni Frasco ang mga dayuhan na bumisita sa beaches, dive sites at tourist destinations ng Pilipinas.

Ang WTA na London-based ay itinatag noong 1993 at tinaguriang “Oscars” ng travel industry.

Moira Encina

Please follow and like us: