Senado, iimbestigahan ang umano’y VIP vaccination

Bubuo ng Sub-Committee ang Senado para imbestigahan ang umano’y VIP vaccination ng ilang Lokal na Opisyal gayong hindi sila kasama sa priority list ng mga dapat bakunahan kontra Covid-19.

Sinabi ni Senador Bong Go, Chairman ng Committee on Health na si Senador Pia Cayetano ang mangunguna sa pagdinig.

Ito’y para mawala ang duda at hindi siya mapagbintangang hindi neutral at maakusahang nag-iimbestiga para lamang mamulitika.

Hindi kumbinsido ang Senador sa katwiran ng ilang LGU na nais lamang himukin ang kanilang mga constituents na magpabakuna kaya sila naunang nagpabakuna.

May sinusunod aniyang priority list sa bakuna at dapat unahin ang mga Medical frontliner para makapagsagip pa sila ng mas maraming buhay.

Inatasan ng Senador ang National Task Force against Covid-19 na magsumite ng listahan ng mga nabakunahan na hindi kasama sa priority list.

Kailangan aniya itong maimbestigahan at papanagutin ang mga lumabag para maitama ang anumang pagkakamali.

Meanne Corvera

Please follow and like us: