Suspect sa panghahalay sa isang 4-anyos na bata, patay matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Cebu

Patay sa police operation sa Cebu ang isang rape suspect habang sugatan ang isa pa nitong kasamahan.

Nakilala ang suspect na si Arnel Cabahug Capangpangan, 35-anyos na may kaso ng panghahalay sa isang 4-anyos na bata sa Iligan city, Misamis Oriental.

Ang operasyon ay pinangunahan ng Anti-Kidnapping Group-Iligan City Police Station sa pakikipagtulungan ng Maritime Group at ng Liloan Police Station.

Ayon sa imbestigasyon, habang isinisilbi ang Warrant of Arrest kay Capangpangan ay nanlaban ito at pinaputukan ng baril si Police Lt. Zosimo Ravanes Jr. ng AKG-Visayas.

Dito na pinaputukan ang suspect ng mga otoridad hanggang sa ito ay napatay.

Ligtas na ang nabaril na pulis matapos maisugod sa University of Cebu Medical Center.

Sugatan din ang isa pang suspect na si Marlou Cabahug Capangpangan matapos barilin din ang isa pang pulis na si Police Corporal Rodessa Medallo.

Nakatakas naman ang 2 pang suspect na sina Ariston Capangpangan Sr. at Ariston Capangpangan Jr.

Ang apat na suspect ay pawang mga akusado ng Statutory rape matapos ang ginawang panghahalay sa isang 4-anyos na bata sa Iligan City, Misamis Oriental noong 2018.

Batay sa imbestigasyon, hinalay ang bata matapos ipagkatiwala sa kanila ito ng kaniyang magulang na nagtatrabaho.

Matapos ang ginawang krimen, nagtago ang mga suspect sa Liloan, Cebu ngunit matagumpay na natunton ng mga pulis ang kanilang hideout.

Please follow and like us: