Philippine National Railways, may limang pisong dagdag pasahe simula sa Hulyo

Sasalubungin ng dagdag-pasahe sa unang araw ng Hulyo ang mga sumasakay ng tren.

Magtataas ng ₱5 sa pasahe ang Philippine National Railways epektibo sa Hulyo 1, 2017 para mapabuti ang serbisyo nito sa mga pasahero.

Batay sa abiso ng pamunuan ng PNR, sinabi nito na mula sa dating ₱10 ay magiging ₱15 na ang minimum na pasahe ng tren para sa unang 14 na kilometro ng biyahe habang magdadagdag naman ito ng ₱5 sa kada susunod na zone o istasyon ng PNR.

Paliwanag naman ni PNR General Manager Jun Magno na ipinatutupad lamang nila ang 2014 board resolution na nag-apruba sa dagdag-pasahe ng PNR.

Ang kikitain sa dagdag-pasahe ay gagastusin aniya sa pagsasaayos at pagkukumpuni ng mga tren, mga riles at maging ng lahat ng istasyon ng PNR.

Samantala, ipinahayag naman ng Department of Transportation na kasado na ang plano sa muling pagbubukas ng Bicol express pati na rin ang inisyal na plano para sa North Rail project na may rutang Tutuban hanggang sa Malolos, Bulacan.

Susundan naman ito ng phase 2 ng proyekto na may rutang Malolos, Bulacan hanggang sa Clark, Pampanga.

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *